Inanunsiyo ng Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes na may nakitang iregularidad sa import documents ng hindi bababa sa walong sasakyang iniuugnay kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, base sa paunang pagsusuri, may mga kakulangan at isyu sa certificate of payment at import entries ng naturang mga sasakyan.
Hindi umano naiprisinta ang wastong patunay ng pagbabayad at tamang dokumentasyon, kabilang ang mga certificate of payment at import entries, na katulad din ng naunang nabanggit na mga sasakyan na may kaparehong problema, paliwanag ng opisyal sa panayam sa media.
Sinabi pa ni Nepomuceno na kapag naipatupad ang warrant of seizure and detention, isasailalim sa subasta ang walong sasakyan.
Nauna nang iniulat ng Philippine National Police–Highway Patrol Group na nasamsam nila ang 14 na luxury vehicles ni Co mula sa kanyang condominium sa Taguig City, at dalawa pa mula sa kanyang ari-arian sa Albay.
Ilan sa mga nakumpiskang sasakyan ay kasalukuyang nasa tanggapan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Taguig.
Sa kasalukuyan, nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.











