--Ads--

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, isang pahayag mula sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mabilis na umani ng batikos: kaya raw pagkasyahin ang ₱500 para sa isang “basic” na Noche Buena. Ayon sa ahensya, posible ito basta’t maliit ang pamilya at marunong mamili ng abot-kayang produkto .

Ngunit kung ang sukatan ay tunay na kalagayan ng milyun-milyong pamilyang Pilipino, malinaw na ang naturang pahayag ay malayo sa realidad. Hindi nakapagtataka na ilang mambabatas mismo ang nagsabing “saang planeta” uubra ang ₱500 para sa isang tradisyunal na Noche Buena lalo na kung kasama rito ang hamon, spaghetti, tinapay, salad, at inumin .

Ang problema sa pahayag ng DTI ay hindi lamang kung praktikal ito, kundi kung gaano ito kababaw at kadaling sabihin habang maraming Pilipino ang araw-araw na sumasalo sa bigat ng inflation. Sa kasalukuyang presyo ng pasta, karne, keso, at mantika, mahirap paniwalaang ang kalahating libo ay sapat para sa isang handaang may simbolikong bigat para sa mga Pilipino isang sandali ng pagsasama, pagbibigay, at pag-asa.

Sa puntong ito, tila lumalabas na ang ₱500 Noche Buena ay hindi payo, kundi isang pagtatakdang bumababa sa antas ng pag-asa ng mga mamamayan. Ang Christmas table ay hindi dapat sukatan ng luho, ngunit hindi rin dapat ibaba sa antas ng survival challenge.

--Ads--

Kung nais ng pamahalaan na makatulong, mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagpigil sa patuloy na pagtaas ng presyo, mas malinaw na price monitoring, at mas konkretong suporta sa mga pamilyang hirap makasabay. Ang paglalabas ng imaginary budget ay hindi nag-aangat ng moral bagkus ay nagpapakita ng disconnect sa tunay na pamumuhay ng mga Pilipino.

Sa huli, ang tanong ay simple: kung ang mismong gobyerno ay kuntento na sa kalahating libong Noche Buena, paano pa natin maaasahan ang mas malawak at mas seryosong tugon sa mas malalaking problema sa ekonomiya?

Ang Pasko ay panahon ng pag-asa. Sana, pati ang mga mensaheng ibinibigay ng mga opisyal ay nagmumula rin sa tunay na pag-unawa, hindi sa ilusyon.

BOMBO NEWS TEAM