--Ads--

CAUAYAN CITY – TuIuyan ng ipapasara ng lokal na pamahalaan ng San Mateo, Isabela ang border ng San Mateo at Alicia matapos makapagtala ng kaso sa COVID-19 ang isang barangay sa Alicia.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Greg Pua ng San Mateo, Isabela sinabi niya na pansamantala munang walang makakadaan sa border ng Alicia at San Mateo maliban na lamang kung may emergency gaya nang kung may kailangang dalhin na pasyente sa pagamutan sa kanilang bayan.

Dahil dito, pinayuhan niya ang mga may negosyo sa kanilang bayan na patuloy pa rin ang operasyon gaya ng mga botika na magbigay na lamang ng pansamantalang matutuluyan ng kanilang mga tauhan na umuuwi sa bayan ng Alicia gayundin ang mga taga-bayan ng San Mateo na nagtatrabaho sa bayan ng Alicia.

Ang mga nagdedeliver naman ng mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ay pinayuhan din niyang umikot na lamang sa lunsod ng Santiago o di kaya ay sa lunsod ng Cauayan.

--Ads--

Samantala, nakiusap ang punong bayan sa kanyang mga kababayan lalong-lalo na ang mga kabataan na sumunod sa mga direktiba kaugnay sa Enhanced Community Quarantine upang makaiwas sa nasabing sakit.

Pinayuhan niya rin sila na laging maghugas gamit ang tubig at sabon dahil ito pa rin ang pinakaalternabong paraan para makaiwas sa anumang sakit.

Tinig ni Mayor Greg Pua ng San Mateo, Isabela.