CAUAYAN CITY – Inaresto ang incumbent barangay kapitan ng Esperanza, Angadanan, Isabela dahil sa kasong parricide kaugnay ng paratang na siya ang pumatay sa kanyang misis.
Inaresto si barangay kapitan Nilo Magaoay, 51 anyos ng Angadanan Police Station sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Raymundo Aumentado, presiding judge ng RTC Branch 20 Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Senior Inspector Ardie Tion, hepe ng Angadanan Police Station na ang kasong parricide laban kay Kapitan Magaoay ay kaugnay ng pagkamatay ng kanyang misis noong Enero 2016.
Unang sinabi noon ni Magaoay na pinatay ang kanyang misis ng mga taong nanloob sa kanilang bahay.
Sinabi rin niya na nawawala ang laman ng kanilang vault.
Gayunman, nagduda ang pamilya ni Gng. Carol Magaoay matapos matagpuan ang sinasabi niyang nawawala na tinangay ng mga nanloob sa kanilang bahay kaya hiniling nila ang tulong ng NBI.
Lumabas sa imbestigasyon na ang barangay kapitan ang suspek sa pagpatay sa kanyang misis.




