--Ads--

Pormal nang itinalaga ang British lawyer na si Peter Haynes bilang bagong defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC.

Inilabas ng ICC nitong Lunes ang notification of appointment ni Haynes kasama ang dokumentong nilagdaan mismo ni Duterte noong Mayo 13.

Batay sa dokumento, itinalaga si Haynes bilang legal counsel ng dating pangulo para sa mga kasong dinidinig sa ICC kapalit ni Nicholas Kaufman.

Pormal namang kinilala ng ICC Registry ang appointment noong Mayo 15, kasabay ng paghahain ni Haynes ng kanyang observations bago ang nakatakdang first status conference ng kaso sa mga susunod na araw.

--Ads--

Sa kanyang 14-page observation, sinabi ni Haynes na hindi pa umano nararapat na magtakda agad ng petsa para sa pagsisimula ng paglilitis dahil mayroon pang mga isyung hindi nareresolba.

Plano rin umano ng abogado na muling talakayin ang usapin kaugnay sa kakayahan ni Duterte na humarap sa paglilitis dahil sa umano’y lumalalang kondisyon nito.

Ayon kay Haynes, mas mahaba at mas komplikado ang trial proceedings kumpara sa pre-trial proceedings dahil nangangailangan ito ng patuloy na pakikibahagi ng akusado sa mga ebidensya, dokumento, at komunikasyon sa kanyang defense team sa buong proseso ng paglilitis.