CAUAYAN CITY Nakakaranas na rin ang ilang magsasaka sa lunsod ng pamiminsala ng Brown Plant Hopper o Ulmog.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, ang City Agriculture Officer, sinabi niya na sinisipsip ng mga ulmog ang puno ng pananim na palay na nagiging sanhi ng pagkakatuyot ng mga ito na tinatawag na Hopper Burn.
Sa unang araw ng pamamalagi ng mga ito sa palayan ay sinlaki ng bilao ang kanilang napipinsala ngunit pagdaan ng mga araw ay unti unti itong kakalat at kung hindi maagapan ay maaaring buong pananim ang maapektuhan o isandaang bahagdang pagkalugi ng magsasaka.
Ayon kay Engr. Alonzo, sa ibang mga bayan ay kasalukuyan na ang paninira ng ulmog sa mga palayan.
May ilang magsasaka na rin ang nagreport sa kanilang tanggapan tungkol sa pananalasa ng nasabing insekto sa kanilang palayan kaya kasalukuyan na ang validation ng kanilang mga kawani, brgy technician at Regional Crop Protection Center o RCPC upang maassess ang naging sira ng pananim na palay sa lunsod.











