Lumahok ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Gabriela Silang sa isang multinational group sail kasama ang barko ng Philippine Navy at mga sasakyang pandagat mula sa apat na iba pang bansa habang naglalayag mula Guam patungong Hawaii para sa Rim of the Pacific Exercise 2026, ang pinakamalaking maritime warfare exercise sa buong mundo.
Kasama ng BRP Gabriela Silang sa paglalayag ang BRP Miguel Malvar ng Philippine Navy, JS Kongo ng Japan, ITS Giovanni Delle Bande Nere ng Italy, ROKS Cheon Ja Bong ng South Korea, at RSS Steadfast ng Singapore.
Sabay-sabay na umalis ang anim na barko mula sa Guam noong Biyernes upang simulan ang kanilang paglalakbay patungong Hawaii, kung saan gaganapin ang RIMPAC 2026 mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 31. Inaasahang darating ang mga ito sa Hawaii sa Hunyo 21.
Ayon sa PCG, ipinakita ng aktibidad ang matibay na pangako ng mga kalahok na bansa sa pagpapanatili ng seguridad sa karagatan, kalayaan sa paglalayag, at pagpapalakas ng kooperasyon upang suportahan ang isang rules-based international order.
Pinangungunahan ni Capt. Jomark Angue, ang BRP Gabriela Silang ay may sakay na 98 tauhan ng PCG mula sa Special Operations Force, Cyber Security Command, Search and Rescue Unit, humanitarian team, information team, at medical team na lalahok sa iba’t ibang pagsasanay.
Tinatayang nasa 30 bansa ang makikibahagi sa RIMPAC 2026, na itinuturing na pinakamalaking pandaigdigang maritime exercise na naglalayong palakasin ang interoperability at kooperasyon ng mga hukbong pandagat at coast guard ng iba’t ibang bansa.
Samantala, muling pinagtibay ng Pilipinas ang matatag nitong ugnayang pang-ekonomiya sa Japan, at kinilala ang Tokyo bilang isang mahalagang katuwang sa pagsusulong ng isang transparent, patas, at rules-based multilateral trading system.











