--Ads--

Fully booked na ang mga biyahe ng bus patungong Maynila at Baguio sa isang terminal sa Lungsod ng Cauayan kasabay ng pagdagsa ng mga pasaherong uuwi ngayong Semana Santa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Anabelle Bunagan, staff ng isang bus terminal sa lungsod sinabi nitong punuan na ang reservations para sa Abril 4, 5 at 6 para sa mga rutang patungong Maynila at Baguio.

Ayon kay Bunagan, umaabot sa lima hanggang anim na bus ang bumibiyahe araw-araw patungong Maynila habang tatlong bus naman ang nakalaan para sa Baguio, bukod pa sa iba pang biyahe na patuloy na inaayos depende sa dami ng pasahero.

Dagdag pa nito, patuloy pa rin ang pagtanggap nila ng reservation sa pamamagitan ng walk-in at online, subalit mas marami umano ang walk-in passengers dahilan upang agad mapuno ang mga slot.

--Ads--

Sa kabila nito, kinukuha pa rin ng terminal ang impormasyon ng mga hindi na-accommodate sa pamamagitan ng “pencil booking” upang mabigyan ng prayoridad sakaling magdagdag ng biyahe o magkaroon ng bakanteng upuan.

Tiniyak din ni Bunagan na may nakaantabay na mga karagdagang bus na maaaring gamitin sakaling dumagsa pa ang mga pasahero, upang masigurong mabibigyan ng serbisyo ang publiko.

Samantala, sinabi nitong nananatiling pareho ang pamasahe sa kasalukuyan dahil wala pang inilalabas na abiso ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa anumang dagdag-singil, kung saan nasa ₱800 hanggang ₱900 ang pasahe depende sa uri ng bus.