--Ads--

Naka-full alert ang hanay ng Highway Patrol Group (HPG) sa Isabela ngayong Semana Santa kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero para sa bakasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi nito na nakahanda ang kanilang hanay na magbigay ng mabilis at sapat na serbisyo publiko alinsunod sa direktiba ng kanilang higher headquarters.

Ayon kay PMaj. Bagayao, mayroon nang inilatag na deployment plan ang kanilang tanggapan kung saan nakapokus ang kanilang mga tauhan sa mga pangunahing kalsada at terminal, partikular na isang terminal sa Lungsod ng Cauayan.

Ipinaliwanag ng opisyal na bagama’t bahagyang mababawasan ang regular na checkpoint operations, hindi ito tuluyang mawawala at isasagawa pa rin ito sa koordinasyon sa mga territorial units.

--Ads--

Sa halip, mas bibigyang-diin ng HPG ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga pampublikong sasakyan upang matiyak ang roadworthiness ng mga ito at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, lalo na ngayong peak season ng biyahe.

Dagdag pa ni PMaj. Bagayao, paiigtingin din ang police visibility sa mga pangunahing lansangan upang agad na makapagbigay ng tulong at assistance sa mga motorista at pasaherong nangangailangan.

Gayunpaman, aminado ang opisyal na limitado ang kanilang personnel kaya’t hindi nila mababantayan ang lahat ng mga lugar na dinadagsa ng mga bakasyunista tulad ng mga ilog, resort, at swimming pool. Sa halip, itutuon ang deployment sa mga strategic areas kung saan mas kinakailangan ang presensya ng kapulisan.

Sa huli, pinaalalahanan ng HPG Isabela ang publiko na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente at maging ligtas ang paglalakbay ngayong Semana Santa at Summer Vacation o SumVac 2026.