Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko na may sapat na fuel reserves ang mga paliparan sa bansa sakaling magkaroon ng power interruption, sa kabila ng posibleng kakulangan ng langis dahil sa krisis sa Middle East.
Sa isang panayam nitong Linggo, sinabi ni CAAP spokesperson Eric Apolonio na nakahanda ang mga paliparan ng diesel reserve fuel na bihira lamang ginagamit at laging handa kung sakaling magkaproblema sa supply mula sa labas ng bansa.
Ang CAAP ang nangangasiwa sa 44 commercial airports sa buong bansa.
Tungkol naman sa domestic at international travel, sinabi ni Apolonio na sapat ang fuel ng mga airline upang magpatuloy ang operasyon ng kanilang mga eroplano. Gayunpaman, maaaring magkaroon ng kaunting pagbabawas ng flight schedules sa huling bahagi ng Abril o unang bahagi ng Mayo dahil sa inaasahang pagtaas ng fuel surcharges.
Nabanggit din na tiniyak ng Philippine Airlines noong Marso 25 na may sapat silang fuel para sa pagpapatuloy ng domestic at international flights. Samantala, kinansela at nilimitahan ng budget airline na Cebu Pacific ang ilang international flights noong Marso 24 dahil sa tumataas na presyo ng langis.











