--Ads--

Inihayag ng IBON Foundation na nararapat lamang na tanggapin ng pamahalaan na may krisis, bumuo ng agarang contingency plan, at huwag ipasa sa mga mamamayan ang bigat ng pag-angkop sa sitwasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, sinabi niyang “in denial” ang pamahalaan sa kasalukuyang kalagayan ng bansa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa kanya, hindi sapat ang mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto nito sa mga Pilipino, partikular sa sektor ng transportasyon, agrikultura, at maliliit na negosyo na direktang naaapektuhan ng pagtaas ng gastos sa operasyon.

Aniya, hindi sineseryoso ng pamahalaan ang sitwasyon ng maraming Pilipino na pilit umaangkop sa mataas na presyo ng petrolyo sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, kabilang ang pagtaas ng pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.

--Ads--

Inaasahan din aniya na sa mga susunod na linggo ay mas marami pang sektor ang aaray dahil sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na isang domino effect ng mataas na presyo ng petrolyo at dagdag na gastos sa produksyon at transportasyon.

Binigyang-diin pa ni Africa na ang patuloy na kawalan ng mabilis at konkretong aksyon ng pamahalaan ay magdudulot ng mas mabigat na pasanin sa mga ordinaryong mamamayan, lalo na sa mga low-income households na limitado ang kakayahang makasabay sa pagtaas ng presyo.

Giit niya, kung maagap lamang ang naging aksyon ng pamahalaan sa pagkontrol at regulasyon sa mga kompanya ng langis, kabilang ang mahigpit na pagbabantay sa oil pricing at pagbibigay ng subsidiya sa mga apektadong sektor, ay maiiwasan sana ang matinding epekto nito sa publiko.

Dagdag pa niya, maaari ring palakasin ng pamahalaan ang social protection programs tulad ng fuel subsidies para sa mga tsuper at mangingisda, gayundin ang direktang tulong-pinansyal sa mga mahihirap na pamilya upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo.

Kung sasabihin naman ng pamahalaan na kulang ang pondo ng bansa, iginiit ni Africa na may mga alternatibong paraan tulad ng mas makatarungang pagbubuwis sa mga bilyonaryo at malalaking korporasyon upang makalikom ng dagdag na pondo at maibalik ito sa taumbayan, kabilang ang mungkahing kahit 3% na dagdag sa kanilang buwis.