CAUAYAN CITY – Ipinapatupad ang rotational brownout sa Calayan Island, Cagayan dahil sa kakulangan ng fuel bunsod ng naantalang delivery dahil sa masamang lagay ng panahon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Joseph “Jong” Llopis ng Calayan Island na sa halip na 24 oras ang kanilang operasyon ay ginawa na lamang na 18 oras.
Ang kanilang operating hours ay nagsisimula dakong 4:00am hanggang 8:00pm.
Wala na silang tustos ng kuryente dakong 8:00pm hanggang alas dose ng hatinggabi.
Naaantala ang pagbiyahe at pagdeliver ng gasolina ng supplier at ipinabatid na nila sa National Power Corporation (NAPOCOR) ang kakulangan ng tustos ng diesel sa kanilang bayan dahil sa masamang lagay ng panahon.
Nauna na silang nagmungkahi na pagdating ng fourth quarter ng taon ay kailangan nilang solusyonan ang kakulangan ng diesel dahil palaging masama ang panahon.
Ayon kay Mayor Llopis, dapat silang mag-stock ng kanilang supply ng diesel para may maidelliver sa Calayan Island upang hindi nila maranasan ang palagiang brownout kapag ganitong panahon.
Nakahanda ang malaki nilang ferry boat para magkarga ng kanilang fuel.
Kumukonsumo ngayon ng 10 drums fuel o 200,000 liters bawat araw ang Calayan Island.
Kapag wala pang delivery ngayong linggo ay tiyak na magkakaroon ng brownout sa kanilang bayan sa araw mismo ng Pasko.