CAUAYAN CITY – Nakakulong na ang isang lalaki matapos matiklo ng kanyang mga kasamahan ang tangkang pagpupuslit umano nito ng ilang kagamitan sa pinagtatrabahuan nitong warehouse ng isang construction company sa Brgy. Tagaran.
Ang nahuli ay si Jefer Dabban, tatlumput dalawang taong gulang, caretaker at tubong Enrile, Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa Tagaran, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan napag-alaman, na napansin ng kanyang mga kasamahan ang umano’y pagpupuslit ng lalaki ng isang gear box ng grader na tinatayang nagkakahalaga ng tatlumpu’t limang libong piso.
Inilagay umano ng suspek ang mga gamit sa loob ng isang sako at dinala niya ito sa labas nang compound.
Nang siyasatin ang mga kuha ng CCTV Camera sa compound, ay nakita ang pinaghihinalaan na ipinuslit ang isang gear box ng grader sa labas kaya agad tumawag ng tulong ang kanyang mga kasamahan sa Cauayan City Police Station at inaresto ang pinaghihinalaan.
Nagtangka pa umanong tumakas ang pinaghihinalaan subalit nakorner na siya ng kanyang mga kasamahan sa warehouse.
Maliban sa gear box ng grader ay siya din ang itinuturong pinaghihinalaan sa tangkang pagpuslit ng apat na tray ng itlog matapos makita ang mga ito sa ibaba ng kanyang kuwarto.
Ayon sa pulisya, ang lalaki ang nagsisilbing katiwala sa warehouse at doon na din siya naninirahan.
Napag-alaman din na matagal na umanong may mga nawawalang gamit sa warehouse subalit hindi umano nahuhuli ang salarin dahil wala pang nakalagay na CCTV Camera sa nabanggit na lugar..
Siya ang itinuturong may kagagawan ng mga nakawang naganap at posible umanong isinasagawa sa oras na abala ang lahat sa warehouse.