--Ads--

CAUAYAN CITY– Patay ang isang caretaker matapos itong barilin ng isang NPA Surenderee sa Barangay Abra, Santiago Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Capt. Jeffrey Villoria ang Deputy Chief of Police ng Santiago City Police Office Station 2 sinabi niya na isang concerned citizen ang nagpaabot sa kanila sa umano’y pagkakatagpo sa bangkay ng isang magsasaka na hinihinalang nakuryente sa Barangay Abra.

Aniya sa kanilang pagsisiyasat napagalaman na nasawi ang care taker ng isang fishpond sa Barangay Ambalatungan na si Joseph Domingo na residente ng Cordon, Isabela hindi dahil sa pagkakuryente kundi dahil sa isang tama ng bala ng baril.

Agad silang nagkasa ng imbestigasyon dahil sa nakita nilang foul play sa insidente kung saan napag-alaman  na mayroong mga tao sa lugar na nag- iinuman bago ang krimen.

--Ads--

Dito ay natukoy nila ang itinuturong indibiduwal na may dalang baril sa inuman hanggang sa napatawag ito sa himpilan ng pulisya.

Kusa namang inamin ng suspect na si Rolando Galicia ang pagbaril patay ng suspek sa biktima.

Ayon sa rebelasyon ng suspek gusto lamang niyang patayin ang lahat ng masasamang tao sa mundo at isa sa mga napuntirya niya ay ang biktima.

Batay pa sa pagtatanong ng PNP sa suspect na si Galicia ay wala naman silang napansin sa kaniyang kakaiba at maayos namang nakakasagot sa kanilang mga katanungan.

Sa ngayon ay beberepikahin pa nila ang iba pang mga pahayag ng suspect kung saan inihayag niyang siya ay dating miyembro ng NPA sa Bayan ng Gamu at sumuko na sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan ay iaayos ang kasong isasampa sa suspect na murder o pagpatay habang siya ay nasa pangangalaga ng custodial facility ng Santiago City.