Nasungkit ni Pinoy gymnast Carlos Yulo ang gold medal sa men’s artistic gymnastics floor exercise final ng Paris Games na ginanap sa Bercy Arena.
Umiskor si Yulo ng 15.000 kung saan nakuha ang gintong medalya habang nakuha naman ng gold medalist sa floor exercise sa Tokyo na si Artem Dolgopyat ng Israel ang pilak na medalya sa kanyang score na 14.966 at tansong medalya naman ang naiuwi ng pambato ng Great Britain na si Jake Jarman sa naitalang score na 14.933.
Ito ang unang medalya ng Pilipinas sa Paris Olympics at pangalawang gintong medalya ng bansa sa Olympics matapos makuha ni Hidilyn Diaz ang first-ever Olympic gold medal sa weightlifting.
Si Yulo rin ang kauna-unahang Filipino gymnast na umabot sa podium finish sa Olympics.
Hindi pa naman dito natatapos ang laban ni Yulo dahil maglalaro pa ito sa Men’s Vault Finals mamayang gabi.
Sa pagkamit ni Yulo sa unang ginto ng bansa, pumailanlang naman muli ang pambansang awit ng Pilipinas na Lupang Hinirang sa pangalawang pagkakataon sa Olympics matapos ni Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics noong 2021 nang makuha nito ang gintong medalya sa weightlifting.
Maituturing namang redemption ito ni Yulo matapos na hindi makapasok sa floor exercise final sa Tokyo at tumapos lamang sa pang-apat na pwesto sa vault.