Nagbigay ng pahayag ang Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO tungkol sa di umano’y hindi pagbibigay ng kontrata at sahod sa mga volunteer rescuers.
Sa ngayon ay nasa mahigit tatlumpo ang kanilang rescue volunteers.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CDRRMO Chief Ronald Villoria, volunteers lamang naman ang mga ito at hindi empleyado ng local government unit ngunit mayroon naman silang allowances.
Aniya pinipilit naman nilang magkaroon ng allowance ang mga ito dahil napakalaki ng naitutulong ng mga volunteers sa Rescue 922 sa lawak ng sakop ng Cauayan City na hindi nila kayang maaccommodate ang lahat ng mga insidente.
May P2,000 namang allowance ang mga ito sa 1 day duty at 2 days off kung saan kung hindi sila nakaduty ay may mga sarili naman silang trabaho na kanilang papasukan tulad ng pamamasada at iba pang trabaho.
Tinitiyak naman umano nilang may regular na medical check up ang mga volunteers sa kanilang pagseserbisyo sa ahensya.
Upang mapataas naman ang kanilang allowances sa P6,000 ay gumawa noon ng proyekto ang CDRRMO na pag-iikot sa lahat ng barangay para sa incident monitoring.
Matapos ang tatlong taon ay itinigil na ito dahil pamilyar na sila sa mga barangay ng lungsod at hindi na kailangan ng palagiang pag-iikot.
Karamihan naman din aniya sa mga nagsasanay na volunteer ay hindi rin nagtatagal sa pagiging volunteer sa Rescue 922 dahil sa kailangan din nila ng trabaho bagamat may ibang nasa puso talaga ang pagtulong kaya nagtatagal at sila ang kinukuha kapag kailangan na ng karagdagang empleyado.