Pinaghahandaan na sa Lungsod ng Cauayan ang selebrasyon ng ika-15 anibersaryo ng Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na gaganapin sa darating na Setyembre 22.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ronaldo Villoria, DRRM Officer ng Cauayan, sinabi niya na iba’t ibang aktibidad ang nakahanda, kabilang ang paglilipat ng BGD Command Center mula sa City Hall patungo sa Quick Response Base 1 sa Cabaruan.
Ayon kay Villoria, malaking tulong ang paglilipat ng opisina dahil magkakaroon ng 360° aerial view ang Command Center, na magbibigay-daan upang mas mabantayan ang buong poblacion area.
Kabilang din sa mga inihahanda ang pagtatatag ng Blood Heroes Club, kung saan hinihikayat ang lahat ng kasapi ng CDRRMC na mag-donate ng dugo upang maging bahagi ng nasabing grupo.
Ang dugo na malilikom mula sa mga kasapi ay agad namang ido-donate sa Red Cross Isabela upang makatulong na madagdagan ang suplay ng dugo, lalo na para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis at mga biktima ng road crash accidents.
Naniniwala ang hepe na kung hindi man lahat ng miyembro ng CDRRMC ay makakapag-donate, tiyak naman aniya na majority sa kanila ay makakagawa nito.











