
CAUAYAN CITY – Idideklara na ang lungsod ng Cauayan bilang Drug Cleared City, ang kauna-unahang Lunsod sa ikalawang rehiyon na maidedeklarang Drug Cleared.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station, sinabi niyang araw na lamang ang hihintayin bago ang pormal na deklarasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Cauayan City bilang Drug Cleared.
Ito ay matapos ideklara kahapon ng PDEA ang Brgy. Cabaruan, bilang Drug Cleared barangay sa ginanap na deliberasyon sa lunsod ng Tuguegarao.
Dahil dito ay drug cleared na ang animnapu’t limang barangay sa lungsod ng Cauayan, at ilang dokumento na lamang ang kailangang ibigay bago ang opisyal na pagdeklara sa lunsod bilang Drug Cleared City.
Tiniyak naman ni PMaj. Galiza, na hindi dito nagtatapos ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga kundi panibagong hamon ito upang mapanatili ang lungsod na drug free.
Aniya hindi ito magagawa ng pulisya ng sila lang dahil malaki ang naging tulong ng mga residente na tumulong sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga impormasyon.
Patuloy pa rin ang pakiusap ng pulisya sa publiko na tulungan silang bantayan ang kanilang mga barangay para na rin sa kanilang kaligtasan.










