CAUAYAN CITY – Tuloy-tuloy ang isinasagawang inspeksiyon sa mga Poultry Farm ng mga kawani ng Sanitary Office.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonard Agsunod, Sanitary Inspector ng City Health Office 1, sinabi niya na sa kanilang tuloy-tuloy na monitoring ay nakita nila ang mga Poultry Farm Owners na sumunod na sa paglalagay ng nets na nagsisilbing harang sa pagkalat ng mga langaw.
Mahigit sampung malalaking foultry farms ang kanilang tinutukan at kamakailan ay nagkaroon sila ng inspeksiyon sa Brgy. Sillawit dahil nagkaroon muli ng panibagong reklamo mula sa mga residente bunsod ng muling pagkalat ng mga langaw.
Aniya, sa kanilang pagtungo sa lugar ay nakita nilang napapalibutan na ng nets ang poultry farm at nangako naman ang may-ari na hindi lalagyan ng mga sisiw na aalagaan hanggat hindi buong Poultry ang malalagyan ng net.
Aniya may ordinansa na ang lunsod ng Cauayan na kailangang maglagay ng net at isa ito sa mga requirement upang mabigyan sila ng Sanitary Permit.
Hindi lingid sa Sanitary Office ang mga reklamo sa mga poultry farm dahil sa mga langaw kaya naman sinisiguro nilang sumusunod sa mga alituntunin ang mga business establishments maging ang palaging pagpapaalala sa mga may ari na palaging isipin ang kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan.