--Ads--

Pinaghahandaan ng Cauayan Fireworks Association ang inaasahang pagdagsa ng mga mamimili dahil sa nakagawiang rush buying tuwing huling linggo ng Disyembre. Dahil dito, maaga nilang binuksan ang fireworks center ng Cauayan City ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Bong Ebora, Vice President ng Cauayan Fireworks Association, sinabi niyang mahalaga ang maagang operasyon upang maiwasan ang siksikan at mapanatili ang kaligtasan sa mga araw na malapit sa Pasko at Bagong Taon.

Dagdag pa niya, hindi lamang mula sa lungsod kundi pati mula sa mga karatig-lugar ang mga bumibili sa naturang fireworks center.

Bilang suporta sa operasyon, sinabi rin niya na dalawampu’t isang lehitimong retailer na may kumpletong permit ang nakatalaga sa lungsod.

--Ads--

Sa ngayon, limitado pa ang bilang ng mga namimili dahil abala pa ang mga tindero sa pagtatayo ng kanilang mga puwesto at paghahanda ng paninda. Gayunman, mayroon nang mga bumibili para sa maliliit na selebrasyon, at may mga produktong nagsisimula sa ₱10.

Inaasahan ng grupo na magsisimula ang malaking volume ng mamimili sa ika-20 ng buwan, lalo na sa Disyembre 23 at 24, at muling lalaki mula Disyembre 27 hanggang 31, kasabay ng nakasanayang last-minute shopping ng marami.