Maglulunsad na ang Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program o ETEEAP para sa mga empleyado ng gobyerno, partikular sa mga LGU employees na nais makapagtapos ng kolehiyo kahit sila ay kasalukyang nagtatrabaho.
Ayon kay Ginang Sherry Ann Balmaceda, Human Resource Management Officer ng Lungsod ng Cauayan, layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga government employees na magkaroon ng college degree sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang work experience, trainings, at skills na kanilang natutunan sa trabaho.
Ipinaliwanag ni Balmaceda na ang ETEEAP ay isang programang pinangungunahan ng Commission on Higher Education o CHED kung saan maaaring makapagtapos ng kurso ang isang indibidwal nang hindi kinakailangang dumaan sa tradisyunal na apat na taong pag-aaral sa kolehiyo.
Aniya, eksklusibo muna ito para sa mga LGU employees ng lungsod upang mas mapalawak pa ang oportunidad para sa kanilang professional growth at career advancement.
Kabilang sa mga pangunahing requirements ang pagiging government employee, pagkakaroon ng sapat na work experience, high school diploma o transcript of records kung may dating natapos na units sa kolehiyo, at iba pang dokumentong magpapatunay ng kanilang trainings at employment records.
Dagdag pa ni Balmaceda, inaasahan nilang maraming kawani ng gobyerno ang makikinabang sa nasabing programa lalo na ang mga matagal nang nagtatrabaho ngunit hindi pa nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa kakulangan sa oras at oportunidad noon.







