CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng Lungsod ng Santiago ang Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Meet 2025 na gaganapin sa kanilang Lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Edwin Cabanos, Hepe ng Department of Public Order and Safety (DPOS), sinabi niya na magagamit sa naturang aktibidad ang mga bagong pasilidad sa Santiago City katulad na lamang ng Santiago Arena at Santiago City Sports Complex.
Dahil sa inaasahan marami ang dadagsang bisita sa Lungsod na mula sa iba’t ibang bahagi ng Region 2 ay pinag-aaralan na nila kung paano mapapanatili ang maayos na daloy ng trapiko.
Aniya, maluluwang naman ang mga kalsada papasok sa Sports Complex at hindi naman lahat ng aktibidad ay isasagawa roon kaya hindi masyadong sisikip ang daloy ng trapiko malapit sa main venue.
Gayunpaman ay aminado sila na magiging hamon ang naturang aktibidad dahil kinakailangan nilang magpakalat ng maraming personnel sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Pinag-aaralan naman nila sa ngayon kung magpapatupad sila ng re-routing ngunit sa ngayon ay may mga kasalukuyang road constructions pa sa lugar at umaasa naman sila na matatapos ang mga ito bago magsimula ang CAVRAA Meet 2025.