Tiniyak ng Iran sa Pilipinas na ligtas na makakadaan ang mga barkong may Philippine flag, mga pinagkukunan ng enerhiya, at lahat ng Pilipinong marino sa Strait of Hormuz, sa kabila ng tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagkaroon ng produktibong pag-uusap sa telepono si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro at Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Aragchi upang palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa. Sa naturang pag-uusap, tiniyak ng Iran na hindi maaantala at magiging ligtas ang paglalayag ng mga barkong Pilipino sa naturang estratehikong ruta.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng kahilingan ng Pilipinas na maituring bilang “non-hostile country” upang matiyak ang kaligtasan ng mga barko at marino sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang halos 20% ng pandaigdigang suplay ng langis at liquefied natural gas.
Noong Marso, nagsimula ang Iran na magpatupad ng blockade sa Strait of Hormuz, ayon sa mga opisyal ng EU naval na nakasubaybay sa mga babala sa radyo na ipinadala sa ilang tanker. Sa isang liham sa International Maritime Organization, sinabi ng Iran na papayagan lamang ang mga “non-hostile vessels” na makadaan kung makikipag-ugnayan sa kanilang mga awtoridad.
Matatandaan na makakailan idineklara ng pamahalaan ang state of national energy emergency dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mahalaga ang kasiguraduhan mula sa Iran para sa proteksyon ng mga marino at seguridad ng suplay ng enerhiya ng bansa.
Kasama rin sa pagpupulong si Energy Secretary Sharon Garin at Iranian Ambassador Yousef Esmaeilzadeh, na nagpatibay sa mainit at bukas na talakayan hinggil sa mas matibay na kooperasyon ng dalawang bansa.











