Malugod na tinanggap ng Cement Manufacturers’ Association of the Philippines (CeMAP) ang desisyon ng Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng ₱14 safeguard duty kada 40-kg bag ng imported na Ordinary Portland at blended cement sa loob ng tatlong taon.
Ayon sa CeMAP, bagama’t mas mataas sana ang kanilang hiniling na ₱600 safeguard duty, kinikilala nila ang hakbang ng DTI bilang makatarungan at ayon sa patakaran sa kalakalan.
Inirekomenda ng Tariff Commission ang nasabing hakbang matapos mapatunayan na may ugnayan ang pagbaha ng imported na semento sa malubhang pinsala sa lokal na industriya.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, ang safeguard duty ay susuriin paminsan-minsan upang matiyak ang matatag na presyo at suplay ng semento.
Ipinaliwanag ng CeMAP na ang mas mababang presyo ng imported na semento tulad ng mula sa Vietnam, ay dulot ng mga subsidy sa kanilang bansa.
Dahil sa bagong patakarang ito, inaasahan ng CeMAP na tataas ang capacity utilization ng mga lokal na planta, na nasa 53% lamang noong nakaraang taon.
Dagdag pa ng grupo, ang hakbang na ito ay magpapalakas sa kakayahan ng lokal na industriya na suportahan ang mga proyektong pang-imprastruktura ng bansa.











