Mariing itinanggi ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang mga pahayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. kaugnay ng pag-aresto sa mga Chinese worker sa isang steel plant sa Misamis Oriental at iginiit na walang batayan ang mga paratang laban sa kanila.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng Chinese Embassy na mali at baluktot umano ang paglalarawan ni Teodoro sa operasyon laban sa Philippine Sanjia Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental noong Mayo.
Kinuwestiyon din ng embahada kung bakit kasama ang Armed Forces of the Philippines sa operasyon at kung bakit mga manggagawang Chinese ang inaresto sa halip na ang mga opisyal na namamahala sa planta. Iginiit din nito na 70 Chinese nationals ang inaresto at hindi 69 gaya ng naunang ulat.
Nauna nang sinabi ni Teodoro na sangkot umano ang planta sa paggawa ng substandard at kontaminadong bakal, pagtatapon ng maruming tubig sa mga ilog, at pagpapakawala ng nakalalasong usok. Iginiit din niya na nakialam umano ang Chinese Embassy sa mga proseso ng pagpapatupad ng batas sa bansa.
Bilang tugon, sinabi ng embahada na iginagalang nito ang hudisyal na proseso ng Pilipinas ngunit tutol ito sa anumang diskriminasyon o umano’y piling pagpapatupad ng batas laban sa mga Chinese national. Anila, bahagi ng kanilang tungkulin bilang embahada ang pagbibigay ng konsular na proteksiyon sa mga mamamayang Chinese na nahaharap sa mga kaso sa ibang bansa.
Samantala, tumugon naman ang DND sa pamamagitan ng pahayag ni spokesperson Arsenio Andolong na nagsabing walang direktang sagot ang Chinese Embassy sa mga isyu at alegasyon. Aniya, ang pahayag ng embahada ay puno lamang ng mga tanong at retorika. Iginiit din nito ang paninindigang, “’Di tayo pasisiil.”









