--Ads--

Nagdeploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng patrol vessel at eroplano upang paalisin ang isang Chinese research vessel na umano’y nagsasagawa ng hindi awtorisadong marine scientific research sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas malapit sa Itbayat, Batanes.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, namataan ang Chinese vessel na JIA HAI KE 7 na nagsasagawa ng pananaliksik sa karagatan nang walang pahintulot mula sa pamahalaang Pilipinas.

Sinabi ni Tarriela na kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang ibinigay na pahintulot sa naturang barko upang magsagawa ng marine scientific research sa loob ng EEZ ng bansa.

Binigyang-diin niya na patuloy na hahamunin, guguluhin at palalayasin ng PCG ang barko hanggang sa tuluyan itong umalis sa karagatang sakop ng Pilipinas.

--Ads--

Batay sa tala ng PCG, nasa humigit-kumulang 37 nautical miles hilagang-kanluran ng Itbayat ang JIA HAI KE 7 mula nang makumpirma ang presensya nito noong Setyembre 28.

Dahil dito, ipinadala ng PCG ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) at Islander aircraft 251 upang bantayan at hamunin ang operasyon ng Chinese vessel.

Sa gitna ng operasyon, dumating din ang China Coast Guard vessel 2503 at paulit-ulit na nagbigay ng radio challenge sa BRP Teresa Magbanua.

Sinabi ni Tarriela na kapansin-pansin ang pagdating ng China Coast Guard dahil pribadong pag-aari ang JIA HAI KE 7.

Patuloy naman ang pagbabantay ng PCG sa lugar bilang bahagi ng pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang maritime domain ng bansa at hindi payagan ang anumang hindi awtorisadong dayuhang pananaliksik sa loob ng katubigan ng Pilipinas.