--Ads--

Mas pinaigting ng City Health Office ng Santiago ang lingguhang monitoring ng mga kaso ng dengue sa iba’t ibang barangay sa lungsod.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nurse May Celeste Andres, Sanitation Inspector II ng City Health Office, sinabi nitong lingguhang ibinibigay ang datos ng mga kaso ng dengue kada barangay tuwing ginaganap ang kanilang Friday meeting kasama ang mga barangay midwife at nurses.

‎Ayon kay Andres, matapos matanggap ang listahan ng mga kaso, agad itong bineberipika ng mga barangay health workers upang matiyak kung residente nga ng kanilang lugar ang mga pasyente.

‎Dagdag pa niya, isinasagawa rin ang inspeksyon sa mga posibleng pinamumugaran ng lamok sa mga apektadong lugar bilang bahagi ng kanilang dengue prevention measures.

--Ads--

‎Kabilang sa mga barangay na may naitalang kaso ang Nagasican, Malvar, Salvador at Barangay Awair. Gayunman, binigyang-diin ni Andres na nananatiling pangunahing hakbang laban sa dengue ang regular na paglilinis ng kapaligiran upang maiwasan ang pagdami ng lamok.

‎Patuloy namang hinihikayat ng City Health Office ang publiko na makiisa sa kampanya kontra dengue sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang mga tahanan at komunidad.