CAUAYAN CITY- Inaasahan ng Schools Division Office na gaganapin na sa 2nd week ngayong Enero ang City meet matapos na maantala o maudlot nang dalawang beses.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Norman Tolentino, Division Sports Officer, karaniwan aniya na ginaganap ang City meet tuwing buwan ng Oktubre ngunit na udlot at nailipat sa December ang schedule na kalaunan ay inilipat nanaman ng Enero.
Kahit pa man aniya nakahanda na ang kanilang mga pasilidad na gagamitin ay hindi naman sumang-ayon ang weather condition dahilan ng pagkakaantala ng programang pinakaaabangan ng mga atleta.
Tiniyak naman ni Ginoong Tolentino, na hindi makaaapekto ang naranasang delay o pagkaantala ng programa para sa preparasyon sa Cavraa meet na kadalasang ginaganap tuwing April.
Pabor pa rin aniya para sa ilang atleta ang pagkaantala ng programa dahil nabigyan sila ng sapat na panahon para mag ensayo sa kanilang laro.
Samantala tiniyak pa ng SDO Cauayan na mabibigyan pa rin ng sapat na suporta ang mga atleta para sa hangaring makasungkit ng mas maraming medalya sa darating na Cavraa meet.