CAUAYAN CITY – Ikinabahala ng City Inter-Agency Task Force (CIATF) ang pagtaas ng mga tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19) matapos na maitala ang higit 30 na COVID-19 positive sa loob lamang ng tatlong araw.
Simula alas otso kagabi hanggang ika-16 ng Oktubre ay isinailalim ang Lunsod ng Ilagan sa Modified Enhanced Community (MECQ) bunsod ng local transmission na naitala sa ilang bahagi ng lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CIATF Focal Person Ricky Laggui, sinabi niya na patuloy nilang tinututukan ang contact tracing dahil sa local transmission.
Maliban dito ay naisailalim na rin sa localized lockdown ang 10 na barangay sa bisa ng Executive Order No. 65 dahil sa mataas na bilang ng mga nagpositibo sa virus sa naturang mga lugar.
Samantala, ikinatuwa ng pamahalaang Lunsod ang suporta na ibinigay ng pamahalaang Panlalawigan sa kanilang rekomendasyon na isailalim sa MECQ ng lunsod ng Ilagan.
Ayon kay Ginoong Laggui, lubos na kailangan ang pansamantalang paglilimita sa galaw ng mga residente upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Hiniling ng pamahalaang lunsod ang pakikiisa ng bawat Ilaguenio upang mapababa ang bilang ng mga tinamaan ng sakit at muling makamit ang pagiging COVID-19 positive free ng Lunsod ng Ilagan.





