--Ads--

Nagdeklara ng class suspension ang Pamahalaang Bayan ng Cabatuan, Isabela mula Nobyembre 4 hanggang Nobyembre 7, 2025 upang bigyang-daan ang disinfection sa mga paaralan bilang pag-iingat laban sa influenza virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinaliwanag ni Mayor Charlton Uy na layunin ng hakbang na ito na maiwasan ang pagkalat ng trangkaso sa mga mag-aaral.

Kasabay nito, naghahanda rin ang LGU para sa kapistahan ng Bayan ng Cabatuan na gaganapin mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 7, kaya’t sinabay na rin ang disinfection upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga estudyante at ng publiko.

Inatasan ni Mayor Uy ang mga TUPAD beneficiaries na tumulong sa paglilinis ng mga paaralan, habang ang Rural Health Unit (RHU) ay magsasagawa ng dalawa hanggang tatlong beses na disinfection upang matiyak na ligtas at malinis ang mga silid-aralan pagbalik ng klase sa Nobyembre 10.

--Ads--

Ayon sa datos ng RHU, manageable pa rin ang mga kaso ng influenza at walang naitalang surge o paglobo ng bilang ng mga may sakit.

Samantala, nasa 80–90% na umano ang kahandaan ng LGU Cabatuan para sa kapistahan. Tampok dito ang iba’t ibang aktibidad tulad ng Miss Cabatuan, Miss Gay, at concert tampok ang ilang artist.