Pinuna ng Commission on Audit o COA ang P10.77 bilyong hindi pa nakokolektang financial obligations na kaugnay ng 37 kinanselang solar energy contracts sa ilalim ng Department of Energy o DOE.
Ayon sa COA, mahigit P10.38 bilyon o halos 96 porsyento ng kabuuang obligasyon ay mula sa mga kumpanyang nasa ilalim ng Solar Philippines group na itinatag ni Batangas Representative Leandro Leviste.
Sinabi ng state auditors na nanganganib na hindi na makolekta ng pamahalaan ang mga nasabing obligasyon kasunod ng pagkansela ng mga Solar Energy Operating Contracts o SEOCs.
Dagdag pa ng COA, dahil sa pagkansela ng mga kontrata ay hindi rin natuloy ang tinatayang 6.796 gigawatt-hours na potensyal na renewable energy capacity na maaari sanang makatulong sa suplay ng kuryente sa bansa.
Kabilang sa mga hindi pa nababayarang obligasyon ang mga work commitment, training commitment, development assistance fees at iba pang contractual penalties.
Samantala, iniakyat na ng DOE sa Office of the Solicitor General o OSG ang usapin upang maisulong ang mga hakbang para sa posibleng pagbawi ng mga obligasyon. Nauna na ring sinabi ng DOE na umaabot sa P24 bilyon ang kabuuang claims nito laban sa Solar Philippines kaugnay ng mga kinansela nitong kontrata sa mga nagdaang taon.
Sa panig naman ng kampo ni Leviste, nauna nang iginiit ng kanilang tagapagsalita na hindi monopolyo ng kanilang mga kumpanya ang renewable energy sector at normal umano ang hindi pagtuloy ng ilang service contracts dahil bahagi ito ng exploration process.











