--Ads--

CAUAYAN CITY – Naghahanda na ang Commission on Elections (Comelec) sa Cauayan City para sa muling pagsasagawa ng voters registration simula sa August 1, 2019 para sa Barangay at Sangguniang Kabataang (SK) elections sa May 11, 2020.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni City Election Officer Epigenia Marquez na kinuha niyang pagkakataon ang pagpupulong ng Liga ng mga Barangay ng Lunsod ng Cauayan upang ipabatid ang pagsasagawa voters registration sa August 1 hanggang September 30, 2019.

Aniya, kailangan nilang magsagawa ng satellite registration sa 65 na barangay ng Lunsod ng Cauayan at uunahin nila ang forest region, West Tabacal region, East Tabacal region, West Tanap at sa mga barangay sa poblacion area.

Hinikayat ni City Election Officer Marquez ang mga hindi pa nakarehistro, ang mga magpapa-transfer ng kanilang registration record at hindi validated na magtungo sa isasagawang satellite registration sa kanilang barangay.

--Ads--

Nilinaw ni Marquez na ang mga hindi bumoto ng dalawang magkasunod na halalan ay matatanggal na ang kanilang pangalan sa voters list.

Maaaring magparehistro mula Lunes hanggang Sabado, kahit holiday, mula 8am hanggang 5pm sa tanggapan ng Comelec o anumang satellite registration site sa lokalidad kung saan nakatira ang magpaparehistro.

Dalhin lamang ang mga valid ID at birth certificate.

Ang mga walang valid ID o birth certificate ay maaaring kumuha ng affidavit of identification sa tanggapan ng Comelec.

Hindi tatanggapin ang barangay certification at cedula.

Ang tinig ni City Election Officer Epigenia Marquez