Muling nanawagan ang Comelec Santiago City sa mga kandidato na ilagay sa tamang lugar ang kanilang mga campaign materials.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jenny May Gutierrez, Election Officer ng Comelec Santiago City sinabi niya na sa ngayon ay hindi pa sila nagbabaklas ng mga campaign materials ng mga lokal na kandidato dahil hindi pa nagsisimula ang campaign period sa mga local candidates.
Maaring nagtataka aniya ang mga mamamayan dahil hindi natatanggal ang ilan sa mga campaign materials na nakalagay sa mga ipinagbabawal na lugar.
Ayon kay Atty. Gutierrez hindi pa saklaw ng mga ipinagbabawal ng Comelec sa pangangampanya ngayon ang mga local candidates.
Ang maari lamang magtanggal sa mga campaign materials na nakalagay sa mga puno ay ang DENR.
Kapag paid o binayaran naman ang paglalagay sa mga pribadong lugar ay kailangang ipakita ng mga kandidato ang impormasyon sa kanilang Statement of Contributions and Expenses o SOCE.
Pinaalalahanan niya ang mga kandidato na iwasan na ang pagpapagawa ng sobrang laking mga campaign materials at paglalagay sa mga ito sa mga ipinagbabawal na lugar.
Ayon kay Atty. Gutierrez may designated na lugar para sa mga campaign materials at mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga ito sa mga puno.