Nilinaw ng Malacañang na hindi nito bubusalan si Commodore Jay Tarriela sa paglalantad ng umano’y pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS), sa kabila ng batikos mula sa ilang mambabatas.
Umani ng puna si Commodore Tarriela mula kina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Rodante Marcoleta, ngunit iginiit ng Palasyo na may hangganan lamang ang pakikialam nito sa mga pahayag ng opisyal.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, malaya si Commodore Tarriela na magsalita kung ang kanyang mga pahayag ay nakatuon sa aktuwal na operasyon at hindi lumalabag sa batas o umiiral na polisiya. Aniya, ang mahalaga ay manatili ito sa loob ng itinatakda ng batas, protocols, at diplomatikong pamantayan.
Binigyang-diin din ng Palasyo na ang posisyon ni Commodore Tarriela ay pagtatanggol sa karapatan at soberanya ng Pilipinas, hindi personal na atake.
Dagdag pa ni Atty. Castro, maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay naging paksa ng caricature na inilabas ng China, kaya’t hindi aniya dapat maging sensitibo kung gumamit man si Commodore Tarriela ng kaparehong paraan bilang bahagi ng pagpapahayag.











