CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ang katawan ng isang lalaking hinihinalang nalunod sa ilog na nasasakupan ng Barangay Disulap San Mariano Isabela.
Ang biktima ay si Roderick Cabasal, 30 anyos, construction worker at residente ng barangay Disulap, San Mariano, Isabela.
Sa nakuhang impomasiyon ng Bombo Radyo Cauayan, dalawang araw na hindi nakauwi ang biktima sa kaniyang dalawang anak dahil sa pagtratrabaho.
Dahil sa pag-aalala at kagustuhang makauwi ay nagpumilit siyang languyin ang ilog hanggang sa tangayin siya ng malakas na agos ng tubig.
Sinubukan naman siyang iligtas ng ilang mga nakakia sa kaniya gamit ng bangka subalit hindi siya nahabol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa hipag ni Cabasal na si April Balmaceda, sinabi niya na una na silang nakatanggap ng ulat sa pagkakatagpo ng bangkay ng isang lalake sa old San Mariano.
Aniya bago pumasok sa trabaho si Cabasal ay ibinilin niya sa kaniya ang dalawa niyang anak na may edad anim at lima.
Nanawagan naman ang pamilya ni Cabasal sa mga maaaring nakakita sa biktima na agad na ipabatid sa kanilang pamilya.






