--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang construction worker matapos siyang hampasin ng kalaykay sa mukha sa Brgy. District 1.

Ang biktima ay si Eduardo Gaspar, limampu’t anim na taong gulang, may-asawa, construction worker Habang ang suspek ay si Marcelo Babaza, tatlumpu’t limang taong gulang, may-asawa, mekaniko at kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station natutulog ang biktima sa kanyang bahay nang bigla siyang maalimpungatan sa lakas ng boses ng suspek at nang kanyang kasamahan na nasa impluwensiya ng alak.

Kinompronta umano ng biktima ang suspek na nauwi sa pagtatalo subalit naawat naman sila ng iba pang residente.

--Ads--

Pagkatapos ng ilang sandali ay bumalik ang suspek at lalo niyang ininis ang biktima at pinagsabihan nang kung anu-anong salita.

Lumabas umano ang biktima at kinompronta ang suspek na nauwi sa suntukan subalit naawat din sila kaagad ng mga residente at napaghiwalay.

Subalit pagkatapos ng ilang minuto at sa ikatlong pagkakataon ay muling bumalik ang suspek na may dalang bakal na kalaykay at patuloy niyang ininis at pinagmumura ang biktima.

Nang lumapit umano ang biktima ay kinuha ng suspek ang kalaykay at hinampas sa mukha ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkasugat sa bunganga at natanggal ang apat na ngipin.

Kaagad namang tumakbo ang suspek palayo sa pinangyarihan ng insidente at humingi naman ng tulong sa pulisya ang mga residente.

Pagkarating ng mga pulis ay agad namang naaresto ang suspek at napag-alaman na palagi umano siyang nasasakangkot sa gulo.

Dayo lamang ang suspek at ilang buwan pa lamang na nanatili sa Barangay District 1.

Desidido namang magsampa ng kaso ang biktima laban sa pinaghihinalaan.