CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang COVID-19 positive na mula sa lalawigan ng Kalinga habang ginagamot sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na isang 53 anyos na lalaki ang nasawing pasyente at mula sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Nagkaroon siya ng mga sintomas ng COVID-19 noong ika-23 ng Oktubre at isinailalim sa swab test noong ika-28 ng Oktubre matapos na ma-expose sa isang confirmed case na kanyang kasama sa trabaho.
Una siyang dinala sa Kalinga Provincial Hospital dahil sa patuloy na lagnat at ubo subalit nang makaranas ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga ay itinakbo na siya sa CVMC.
Gayunman ay may respiratory distressed syndrome at pneumonia ang nasawing pasyente bukod pa sa kanyang mga comorbidities gaya ng diabetes, hypertension na nasa stage 2 na at chronic kidney disease.





