Bumaba umano ang Crime Incident sa Lungsod ng Cauayan sa huling buwan ng taong 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran Jr., sinabi niya nitong buwan ng Disyembre ay halos mga firecracker incident lamang ang naitala ng kanilang himpilan na sa kabuuan ay umabot lamang sa tatlo kung saan ang dalawa rito ay kabilang pa sa delayed reports.
Mas mababa aniya ito kung ikukumpara sa datos noong 2024 na mayroon mahigit sampung firecracker-incident na naitala ng kanilang hanay.
Maliban dito ay wala naman nang naitalang mga krimen sa Lungsod ng Cauayan.
Ayon kay PLt. Col. Canceran, nakatulong ang deployment ng kanilang hanay sa iba’t ibang strategic area sa tulong na rin ng karagdagang pwersa na ipinadala ng Provincial at Regional headquarters.
Sa taong 2026 ay mas hihigpitan ng kanilang hanay ang pagbabantay sa mga pangunahing lansangan, maging ang pagpapatupad ng mga traffic rules upang mabawasan ang mga road crash incidents sa lungsod ngayong taon.
Inaasahan naman ang pagdating ng karagdagang kagamitan ng Cauayan City Police Station gaya na lamang ng PNP-issued patrol vehicle, at UAV o ang unmanned aerial vehicle tulad ng drone na makatutulong sa kanilang hanay upang mas mapaigting ang kanilang pagbabantay sa kanilang nasasakupan.
Ipagpapatuloy din ng kanilang hanay ang ilan sa kanilang mga best practices gaya na lamang ng project scuba kung saan binubuksan ng mga kapulisan ang mga drainage canals sa Lungsod upang maiwasan ang pagnanakaw sa pamamagitan ng tunneling.











