
CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng isang araw na orientation ang City Social Welfare and Development Office para sa mga solo parents tungkol sa expanded solo parent’s welfare act o Republic Act 11861 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan ngayong Marso.
Ang orientation ay dinaluhan ng mga pangulo ng solo parents’ association at barangay officials mula sa animnaput limang barangay sa Lunsod ng Cauayan.
Ipinaliwanag sa orientation ang mga karagdagang benepisyo para sa mga solo parents na nakasaad sa Revised Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas.
Kabilang sa mga karagdagang benepisyo ang scholarship grant para sa mga anak na hanggang 21 years old, 20% discount sa hospital bills ng mga solo parents, 15% discount sa mga school supplies, at iba pa.
Samantala, ipinaliwanag ni Rodelyn Ancheta, officer ng CSWD Cauayan City na mas magiging mahigpit ang kanilang tanggapan sa pagberipika ng mga mag-aapply bilang solo parents.
kailangang maihanda ng mga mag-aapply na solo parents ang mga requirement na isasailalim sa assessment ng tanggapan sa loob ng mahigit dalawang linggo.
Dagdag pa niya na magkakaiba ang requirements sa bawat kategoryang kinabibilangan ng mga solo parents.
Ang mga dumalo sa orientation ang inaasahan magiging katuwang ng pamahalaan sa pagpapaliwanag ng batas sa mga solo parents dito sa lungsod ng Cauayan.










