Nababahala ang City of Social Welfare and Development Santiago City sa patuloy na pagkakatala ng mga kaso ng child abuse sa Santiago City, kung saan karamihan sa mga biktima ay mga batang babae na nasasangkot sa sexual abuse.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Eva Cubacub, City Government Department Head I ng CSWD Santiago City, sinabi nitong nakapagtala ang kanilang tanggapan ng 67 kaso ng child abuse ngayong 2025 batay sa mga naireport sa kanilang residential offices. Mas mababa ito kumpara sa 69 kaso na naitala noong 2024.
Bagamat may bahagyang pagbaba, aminado ang opisyal na nananatiling nakababahala ang sitwasyon dahil patuloy pa rin ang pagpasok ng mga bagong ulat sa kabila ng kampanya laban sa pang-aabuso.
Nilinaw ni Cubacub na ang mga bilang ay tumutukoy lamang sa mga kasong personal na ini-report sa kanilang tanggapan. Hindi kabilang dito ang mga insidenteng naayos sa antas ng barangay at hindi na umabot sa kanilang opisina, kaya’t hindi rin umano nila namo-monitor ang kabuuang bilang ng mga kaso sa komunidad.
Kaugnay nito, iniulat din ng tanggapan na 28 kababaihan at mga bata ang kanilang na-cater sa kanilang pasilidad nitong nakaraang taon, mas mataas kumpara sa 13 na natulungan noong 2024.
Batay sa kanilang datos, karamihan sa mga kaso ay may kaugnayan sa sexual abuse na kinasasangkutan ng mga batang babae, habang mayroon ding ilang insidente ng physical abuse na kinasasangkutan naman ng mga batang lalaki.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CSWD sa mga barangay at iba pang ahensya upang agad na matugunan ang mga insidente at mabigyan ng kaukulang psychosocial intervention ang mga biktima.
Muling pinaalalahanan ng tanggapan ang mga magulang at tagapag-alaga na maging mapagmatyag at panatilihin ang bukas na komunikasyon sa kanilang mga anak. Hinihikayat din ang publiko na agad ireport sa kinauukulan ang anumang uri ng pang-aabuso upang maprotektahan ang mga bata at maiwasan ang paglala ng sitwasyon.
--Ads--











