CAUAYAN CITY- Nadakip ng mga otoridad ang Number 2 Most Wanted Person Provincial Level sa Isabela sa Lalawigan ng Quirino sa pamamagitan ng joint operation ng mga otoridad.
Ang suspek ay itinago sa pangalang “Don”, 34-taong gulang, binata, construction worker at residente ng Brgy. Tuguegarao, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Abner Accad ang Deputy Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niya na matagal nilang minanmanan ang suspek hanggang sa masakote nila ito matapos na magtago sa isang farm sa Barangay Ricarte Sur, Diffun Quirino.
Ang suspek ay nahaharap sa dalawang kaso ng child abuse na may 200,000 bail band at rape na walang inirekomendang piyansa.
Ang suspek ay kasalukuyan ng nasa pangangalaga na sa Santiago Detention Facility.