--Ads--

Arestado ang isang 48-anyos na lalaking customer matapos umanong manggulo at tumangging sumunod sa mga pulis na umawat sa naganap na kaguluhan sa isang restaurant sa District 3, Cauayan City.

Batay sa police report, nagsimula umano ang insidente matapos mapansin ng may-ari ng restaurant na nagkalat ang kanin sa mesa ng suspek.

Maayos umano itong nilapitan at hiniling na linisin ang kanyang mesa, ngunit nauwi umano sa hindi pagkakaunawaan ang kanilang pag-uusap.

Lalong naging mainit ang sitwasyon matapos umanong magsalita nang malakas at maging agresibo ang suspek sa iba pang mga customer.

--Ads--

Dahil dito, ipinatawag ang dalawang pulis na kasalukuyang nagsasagawa ng mobile patrol sa lugar kaya agad na nagtungo sa nasabing restaurant upang umawat at pakalmahin ang sitwasyon.

Nagpakilala umano ang mga pulis at l pinayuhan ang suspek na kumalma at makipagtulungan.

Sa halip na sumunod, patuloy umano itong naging agresibo at nakipagkonprontasyon sa mga awtoridad, habang paulit-ulit ding nagmumura.

Napansin din umano ng mga rumespondeng pulis na tila nakainom ng alak ang suspek.

Dahil sa umano’y hindi mapigil na kilos nito, kinailangang pigilan at tuluyang arestuhin ng mga pulis ang lalaki.

Dinala ang suspek sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang imbestigasyon.

Nahaharap ito sa mga reklamong Alarm and Scandal sa ilalim ng Article 155 ng Revised Penal Code at Resistance and Disobedience to a Person in Authority or Agents of Such Person sa ilalim ng Article 151 batay sa police report.