CAUAYAN CITY – Labinlimang araw ng walang naitatalang positibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na kahapon ay ang ikalabinlimang araw na wala silang naitalang positibo sa COVID-19.
Gayunman, mayroon pa rin silang binabantayan na pito na suspect case.
Labing-pito aniya sila kahapon subalit nang dumating ang resulta ng kanilang laboratory test ay sampo sa kanila ang nagnegatibo.
Ayon kay Dr. Baggao, resulta ito ng magandang estratehiya na kanilang ginagawa para labanan ang nasabing sakit.
Simula kasi aniya ng nagsimula ang COVID-19 crisis ay bumuo na sila ng apat na team at bawat team ay binubuo ng mga infectious disease specialist, pulmonologist, anesthesiologist, cardiologist, medtech, pharmacist, Regtech o Regulatory technician, respiratory operatives, nurses, nurse attendant at utility workers.
Sa unang linggo ay ang team A ang unang pumasok sa kanilang COVID ward at pitong araw silang nanatili roon.
Pagkatapos nito ay lalabas sila at papasok naman ang team B at ganito rin ang gagawin ng mga susunod na team.
Pero bago lalabas ang bawat team sa kanilang COVID ward ay kinukuhanan muna sila ng throat swab at isasailalim sa debriefing.
Pagkatapos nito ay mananatili sila sa isang hotel para mag-quarantine ng labing-apat na araw.
Ayon kay Dr. Baggao, may tatlong hotel na ginagamit ang kanilang mga COVID staff at bawat team ay hindi puwedeng magkakasama para maiwasan na sila ay magkahawaan.
Kapag natapos na aniya ang kanilang labing-apat na araw na quarantine ay puwede na silang umuwi sa kanilang mga pamilya at mabibigyan sila ng isang linggo.
Tiniyak ni Dr. Baggao na lahat ng kanilang pangangailangan ay ibinibigay ng pamunuan ng pagamutan.
Sinisiguro rin nilang sapat ang mga ginagamit nilang Personal Protective Equipment o PPEs.
Samantala, nalulungkot naman si Dr. Baggao dahil may mga health workers pa rin silang nakakaranas ng diskriminasyon kahit hindi kabilang sa kanilang COVID staff.
Samantala, sinabi pa ni Dr. Baggao na hindi sila tumitigil sa pagtanggap at pag-asikaso ng mga non-COVID patients.
Tiniyak nito na hindi sila mahahawa sa nasabing virus dahil nakahiwalay ang kanilang COVID ward.











