--Ads--

CAUAYAN CITY- Plano ng lokal na pamahalaan ng Cauayan na ipatawag ang mga kawani ng Department of Agriculture at Department of Social Welfare and Development upang beripikahin at masiyasat ang mga pangalan ng mga magsasaka na nasa master list ng mga tumatanggap ng ayuda.

Ito ay matapos umanong idulog ng ilang mga magsasaka kay Chairman ng Committee on Agriculture ang isyu na may mga senior citizen na natanggal sa listahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega sinabi niya may mga senior citizen na pinapunta sa lungsod ng Ilagan upang tumanggap ng ayuda ngunit nang makarating sa distribution site ay napag-alaman umano na wala na sa listahan ang kanilang pangalan kaya sila pinauwi na lamang.

Karamihan aniya sa natanggal sa listahan ay mga senior citizen.

--Ads--

Dahil dito, nais na alamin ng mga lokal na mambabatas ng Cauayan City kung ano ang naging dahilan.

Ang mga natanggal sa listahan ay wala naman umanong nilabag na patakaran ng DA tulad na lamang ng pagbebenta ng mga binhi.

Nakatakda naman ang hearing sa unang araw ng Hunyo upang alamin mula sa DA ang pag kansela sa pangalan ng ilang mga magsasaka.

Dagdag pa ng konsehal, dapat alamin kung ano ang kwalipikasyon upang hindi matanggal sa programa.

Bukod dito ay magkakaroon na rin umano ng beripikasyon sa lahat ng mga magsasaka bago ito mapabilang sa mga benepisyaryo.