--Ads--

Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na aktibong makilahok sa pagmomonitor ng mga farm-to-market road (FMR) projects upang maiwasan ang katiwalian at mapabilis ang konstruksiyon ng mga ito.

Inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr ang kaniyang panawagan sa lahat na tulungan ang ahensiya na bantayan ang mga FMR projects para maisagawa ang mga ito nang tama at sa mabilis.

Ayon sa kalihim, ang mga kaso ng inefficiency at korapsyon sa FMR projects ay direktang nakaaapekto sa produksyon ng pagkain sa bansa at sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Inihayag ng DA na naghahanda itong ilunsad ang “FMR Watch” website, kung saan maaaring mag-ulat ang publiko ng mga problema sa proyekto at mag-upload ng mga larawan. Layunin nitong subaybayan ang progreso, o kawalan ng progreso ng mga FMR at mabigyan ang DA ng mas malawak na oversight.

--Ads--

Aniya, ang mga inisyatibong ito ay makatutulong upang mapanatiling tapat ang lahat ng sangkot at matiyak na hindi mapupunta sa bulsa ng mga tiwaling indibidwal ang pondo ng bayan.

Tinatayang nasa 131,000 kilometro ng FMR ang kinakailangan sa buong bansa, ngunit mahigit 60,000 kilometro pa ang hindi nagagawa. Ayon sa DA, aabutin ng ilang dekada bago maibsan ang backlog kung mananatili sa kasalukuyang antas ang pondo.

Sa ngayon, nagsasagawa ang kagawaran ng audit sa 5,000 kilometro ng FMR projects upang tiyaking natapos ang mga ito at pumasa sa itinakdang pamantayan. Isinagawa ang audit matapos mabunyag ang mga anomalya sa flood-control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na nagdulot ng pagbabago sa pamunuan ng ahensiya, sa Kongreso, at sa Gabinete.

Simula 2026, ililipat na sa DA ang implementasyon ng FMR projects mula sa DPWH bilang bahagi ng mga hakbang laban sa korapsyon sa pamahalaan.