Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapataw ng price cap sa retail na bentahan ng imported na bigas upang matuldukan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo sa mga pamilihan.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., umabot na sa P55 hanggang P58 kada kilo ang bentahan ng imported na bigas sa ilang retailers.
Pinaghihinalaan ng ahensya na ginagamit ng ilang negosyante ang global oil shock at krisis sa Middle East bilang dahilan upang magtaas ng presyo.
Giit ng kalihim, hindi dapat umabot sa ganitong halaga ang presyo ng imported rice dahil hindi pa naman tumataas ang gastos sa pag-angkat nito.
Bilang tugon, magsusumite ang DA ng pormal na rekomendasyon sa Malacañang Palace para sa implementasyon ng price cap.
Bilang pansamantalang solusyon upang maiwasan ang price shock, nagpakalat ang DA ng mga bigas na nagkakahalaga lamang ng P45 hanggang P48 kada kilo.
Samantala, nilinaw ng DA na hindi saklaw ng planong price cap ang mga lokal na bigas.
Layunin ng hakbang na maprotektahan ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka at hindi maapektuhan ang kanilang kita, lalo na ngayong panahon ng anihan.










