Naghahanda ang Department of Agriculture (DA) ng P100-milyong fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa sigalot sa Middle East.
Ayon sa DA, ang pondo ay nahahati sa P50 milyon para sa magsasaka at P50 milyon para sa mangingisda. Makakatanggap ang bawat kwalipikadong magsasaka ng P5,000 at mangingisda ng P3,000, batay sa mga rekisito tulad ng rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture at pagmamay-ari ng makinarya o bangka.
Maaaring dagdagan ang pondo ng karagdagang P50 milyon para pantay na maipamahagi sa dalawang sektor. Batay sa tala ng DA, may humigit-kumulang 14,000 magsasaka at 14,900 mangingisda ang kwalipikado.
Ngunit ayon kay Fernando Hicap ng PAMALAKAYA, maliit lamang ang saklaw ng ayuda at hindi sapat laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Iminungkahi niya ang pansamantalang suspensyon ng VAT at excise tax sa langis upang mas mabawasan ang pasanin ng sektor.











