--Ads--

Patuloy ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na makipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa upang matiyak ang sapat na suplay ng abono o fertilizers sa Pilipinas, kasabay ng patuloy na krisis sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkules, doble na ang presyo ng abono, mula sa dating $400 kada tonelada ay umakyat na sa $800. Dahil dito, nakikipag-usap na ang pamahalaan sa mga bansang tulad ng India, Russia, at Belarus upang makakuha ng alternatibong suplay para sa mga Pilipinong magsasaka.

Kinumpirma rin ng kalihim na wala namang plano ang China na ihinto ang pagluluwas ng abono patungo sa Pilipinas. Ito ay kasunod ng kanyang pakikipagpulong kay Jing Quan nitong Martes upang talakayin ang kooperasyon sa agrikultura. Pinabulaanan ng kalihim ang mga ulat na magsasagawa ang China ng export freeze upang unahin ang kanilang sariling pangangailangan.

Samantala, nagbigay ng katiyakan si Ferdinand Marcos Jr. na nananatiling sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin at fertilizers sa bansa.

--Ads--