Nilinaw ng Department of Agriculture o DA Region 2 ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na hindi naipapamahagi ang mga fertilizer at seed subsidy sa ilang magsasaka.
Unang dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang asawa ng isang yumaong magsasaka na hindi na nabigyan ng fertilizer subsidy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Technical Director ng DA Region 2 sinabi niya na kapag namatay ang magsasaka na nakarehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture o RSBSA ay ililipat ang pangalan sa naiwang asawa o kapamilya nitong mamamahala sa sinasaka nito.
Ayon kay Dr. Busania, ang lokal na pamahalaan na ang mag-aayos ng ownership tulad ng mga pangalan ng mga magsasaka sa listahan.
Kung may pagbabago sa nakapangalan sa RSBSA ay magtungo lamang sa local government unit para mapalitan ang pangalan at mapasama sila sa makakatanggap ng fertilizer o seed voucher mula sa DA.
Kung hindi aniya na-update at nai-transfer ang pangalan sa listahan ay hindi talaga makakakuha ng voucher ang sumunod na may-ari ng sakahan.
Ayon kay Dr. Busania hindi lamang ito ang unang pagkakataon na may mga reklamo silang natanggap katulad nito dahil marami nang nagtungo sa kanilang tanggapan upang idulog ang hindi nila pagkakatanggap ng fertilizer voucher.
Nilinaw naman niya na sa ngayon ay mas mabilis na ang updating sa mga pangalan ng mga magsasaka na nakarehistro sa RSBSA dahil inilipat na ang pag-update sa LGU.
Aniya tuluy-tuloy ang updating sa mga pangalang nakarehistro sa RSBSA dahil sa mga nangyayaring katulad ng namamatay na magsasaka, naibebentang sakahan at nagpapalit ng ownership.
Kailangan aniyang makipag-ugnayan sa LGU at sa kanilang tanggapan para maupdate ang mga ito basta ihanda lamang ang mga kakailanganing papeles, tulad ng death certificate kung namatay ang may-ari at maging ang deed of sale kung ibinenta na ang lupang sakahan.