--Ads--

Pormal nang inilunsad ng Department of Agriculture o DA Region 2 ang YOUTH for Artificial Insemination Project kasabay ng 1st Quarter Assessment of the National Livestock Program.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Claris Marayag-Alaska, OIC Center Director ng Agricultural Training Institute ng Regional Training Center 02 sinabi niya na katuwang ng DA sa paglulunsad ng proyekto ang kanilang tanggapan at ng Philippine Carabao Center.

Ang naturang proyekto ay isang collaborative initiative kung saan layunin nitong mabigyan ng specialized skills ang mga out-of-school youth pagdating sa artificial insemination o AI at pregnancy diagnosis ng mga malalaking hayop.

Sa loob ng dalawang linggo ay sasanayin ng tanggapan ang mga kabataan sa Artificial Insemination at kapag natapos nila ito ay maari silang magsilbing technician o inseminators kung saan sila ay maidedeploy sa mga bayan na may maraming populasyon ng alagang kalabaw at baka bilang kanilang immersion.

--Ads--

Kapag natapos nila ito ay magkakaroon sila ng Memorandum of Agreement o MOA signing sa tanggapan upang mabigyan sila ng otorisasyon na magsagawa ng artificial insemination sa mga alagang hayop sa rehiyon.

Target ng proyekto na mabigyan ng sagot ang ang mga isyu gaya ng kakulangan sa mga kwalipikadong AI technicians, mga AI tools at equipment, limitadong kalaaman patungkol sa AI practices, at marami pang iba.

Sa pamamagitan ng proyektong ito ay mabibigyan ng trabaho ang mga out of school youth.

Maliban sa nasabing programa at iba pang regular training sessions ng tanggapan ay abala rin sila sa pagsasanay sa mga agricultural extension workers at farmer leaders sa ibat-ibang pananim para sa organic agriculture.